Out of Order: Si Duterte at si Erap

Duterte | Photo by Inquirer.net

Photo by Inquirer.net

Kung hindi natuloy sa pagtakbo sa pagka-pangulo si Senador Grace Poe, malamang na si Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte ang sinusuportahan ngayon ni President-Mayor Joseph “Erap” Estrada sa pagka-presidente.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na dati nang magkaibigan sina Digong at Erap at sa katunayan ay sinuportahan ni Duterte si Estrada nang tumakbo ito at manalong presidente noong 1998 elections.

Noong hindi pa desidido si Digong na tumakbo sa pagka-pangulo, isa si Erap sa nag-udyok ditong tumakbo at ito ay sa panahong hindi pa malinaw kung makakatakbo sa panguluhan si Grace Poe dahil sa kanyang citizenship.

Sa pagkakaalam ko ay bilib si Erap kay Digong dahil pareho silang naging alkalde at magkatulad din sila ng istilo ng pamumuno na kinakitaan ng pagiging mapagpasya at paggamit ng kamay na bakal sa mga kriminal.

Pero ang mas alam ng publiko ay  pareho rin silang mapagmahal sa mga babae at aminado silang maraming babaeng minamahal maliban sa kanilang mga asawa.

Erap Estrada | Photo by PhilNews

Photo by PhilNews

Minsan na ring nabanatan sa media si Erap noong bise presidente pa ito at ito ay may kinalaman sa kanyang pahayag na handa niyang ipapatay ang kanyang asawa para mapa­kasalan si Miss Colombia Carolina Gomez na 1st runner-up sa 1994 Miss Universe na isinagawa sa Philippine International Convention Center (PICC) kung saan naroroon ang Office of the Vice President.

Pabirong sinabi ito ni Erap sa mga OVP reporters at nang malathala ito sa mga pahayagan ay kinuyog siya ng kanyang mga kalaban sa pulitika.

Kinailangang si Dra. Loi Estrada mismo ang maglabas ng press statement na nagsasabing hindi siya na-offend sa pahayag ng kanyang asawang si Erap, dahil sa matagal na nilang pagsasama ay natural na sa kanila ang ganoong klaseng mga biruan.

Naalala ko ito dahil sa kinakaharap na krisis ngayon ni Duterte na dahil sa pagkaka-upload ng video kung saan may hindi kanais-nais na sinabi siya tungkol sa 1989 hostage-taking incident sa loob ng Davao City Jail.

Nagbigay na ng written public apology si Digong hinggil sa kanyang masamang nasabi at mismong kanyang dating asawang si Elizabeth Zimmerman ay nagpahayag ng suporta kay Duterte.

Naalala ko rin na nu’ng tumatakbo si Erap sa pagka-pangulo noong 1998 ay dalawang krisis rin ang tumama sa kanya. Una ay ang video na nagpapakitang nagsusugal sila sa PAGCOR casino ng kaibigang si Charlie “Atong” Ang. Ang ikalawa ay ang “Bunny German” scam kung saan nadawit si Erap at ilang miyembro ng kanyang pamilya.

Sa kabila ng mga naturang krisis na tumama kay Erap ay nanalo pa rin itong pangulo ng bansa at lumamang ng halos 5 milyong boto sa pinakamahigpit na katunggali na si Speaker Jose de Venecia.

Base sa mga survey ng Pulse Asia ay naka-upward trajectory na si Duterte at sa pinakahuling survey nga ay pumalo na siya sa 30 percent at lumamang kay Grace Poe ng 7 puntos.

Depende na lang sa magiging epekto ng “rape issue”, makikita kung patuloy na tataas ang numero ni Duterte. Pero kung magkakagayon ay malamang na gumawa ng kasaysayan si Digong sa Mayo 9 na kauna-unahang mayor na rektang naging pangulo ng bansa. Ano nga kaya?

(Source: Abante)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s